Saturday, January 3, 2015

Sulat sa Sarili

Sa bawat pangyayare sa iyong buhay, ilan dito ang may katuturan para sa iyo?

Maraming bagay ang maaaring hindi mo naiintindihan,'di maintindihan, o kaya nama'y tsaka na lamang paglipas ng panahon maiintindihan. Sadyang ganon pala talaga ang buhay -- nagiging patas ito dahil sa hindi nito pagiging perpekto. Sa paglipas ng araw, unti-unting mahuhulma ang iyo, akin, ating mga utak sa mas matalinhagang pagtanaw sa buhay. Maaari ring maging mas makabuluhan ang taglay nito, mapagtatantong ibang iba na ang iyong sarili sa dating musmos na ikaw. 

Ito ay dahil kahit ano ang iyong gawin, nagbabago ang panahon. Patuloy itong umaandar kahit pa ikaw ay mapag-iwanan. Masaya ka man o malungkot, naghihinagpis o humahalakhak, ito ay gagalaw at hindi titigil hanggang sa ika'y makasabay. Ngunit iyong pakatatandaan, ginto ang bawat sandali. Halintulad ng tubig na hindi mo mapanghahawakan sa pamamagitan lamang ng iyong mga kamay. 

Huwag magpapakabulag sa kung ano ka dati. Huwag makuntento sa kung ano ka ngayon. Patuloy na mangarap, magpakagaling, magpakahusay. Sapagkat hindi lang ang oras ang gumagalaw, maging ang bawat pagkakataon. Iba't ibang pagkakataon na maaaring kapag hindi iyong hinayaang hamunin ka, tiyak na ika'y lalamunin. Hayaang subukin ang iyong limitasyon, lalo pa kung ito ay para sa iyong ikabubuti, sa iyong ikagagaling. 

Huwag matakot magkamali, huwag matakot sumubok. Hindi ka matututo kung hindi mo susubukan ang mga bagay-bagay. Walang nagtatagumpay nang hindi nalabas sa kanyang ligtas na kinalalagyan. Pakatatandaan, ang matitinding pagkakamali ang nagbibigay daan sa tunay na tagumpay. Parte ito ng paulit-ulit na proseso na iyong dapat pagdaanan. Sapagkat walang negosyante ang hindi tumaya ng kanyang pera upang mas kumita. Walang bumbero ang hindi nagtaya ng kanyang buhay para may masalba. Gaya ng wala kang mararating kung hindi ka susugal. At sa bawat laro, iyong itaya ang iyong takot, ang iyong pangamba.

Mabilis lamang ang buhay. Huwag hayaang ito'y magdaan lamang. Magtanong. Sumubok. Magkamali. Matuto. Mabuhay. Mangarap. Magpunyagi. Magmahal. Masaktan. Bumangon. Manalig. At maging mas matatag at mabuting tao. 

No comments:

Post a Comment