Paunawa : Ang iyong binabalak mabasa ay hindi isang mensaheng inspirasyonal. Ito ay napupuno ng giit sa buhay. Kung baga, halos wala kang mapapala matapos itong pag-aksayahan ng panahon. ;)
Matagal na rin pala mula noong huling beses na nagsulat ako sa pahinang ito. Matapos ang ilang mahabang buwan, ngayon na lamang muli.. sapagkat nais kong ipabatid ang maraming saloobin.
Nakagugulat. Nakapaninibago. NAKABIBIGLA. Sa loob ng isang taon, para bang ang bilis ng ikot ng mundo sa aking kamalayan. Ang daming pagbabago na para bang kahit ilang taon mong pinaghandaan, ay hindi magiging sapat. Talamak din ang mga bagong tao na kahit hindi mo hilingin, ay kusang ipakikilala sa iyo ng tadhana. At higit sa lahat, nariyan ang agos ng pagkakataon, pilitin mo mang iwasan, ay paulit ulit kang aalunin sa dimensiyong iyong dapat kalagyan.
Hindi ko mawari, ano nga ba ang mayroon sa mundong malayo at malaya? Sinu - sino at anu -ano nga ba ang dahilan bakit hanggang ngayon ay hindi ko ito mabitawan? Bakit nga ba ang sarap manahan doon? Paano ko nga ba magagawang malayo at malaya ang isang mundong nakakasakal? Maraming katanungan, marami rin namang kasagutan. Minsan sumasagi sa aking isipan, baka hindi lang naman ako ang nakadadama ng ganito. Baka marami kami. Baka nga, mas malala pa ang kanilang pangungulila kumpara sa akin. Magkagayunman, masaya na nakalulungkot at malungkot na masayang isipin na ang dami mo pa lang mababalikan. Sadyang nakakatawang isipin ang mga bagay na minsa'y nagpahagulgol sa'yo. At tunay nga na ang mga sandaling minsa'y nagpasaya sa iyo ay ang mga pagkakataon din na lubos na magpapalungkot.
Ang sarap balik-balikan ang panahong wala akong pakielam sa mundo. Walang gaanong pangarap, ang tanging minimithi lang ay maidaos ang araw ng puno ng kagalakan. Hindi mawawala ang problema, oo. Subalit ang pinakamatindi na ay yaong paano papasok ng klase matapos ang hanggang madaling araw na inuman. Walang pera, pero maraming matatakbuhan. Bumabagsak sa pagsusulit, hindi pumapasok, ngunit ang kagandahan, ikaw lang ang pinakaapektado. Sa madaling salita, sariling desisyon, sariling pagharap sa kahihinatnan. Simple pero ubod ng saya. Maraming mga taong nakadadaupang-palad, ang iba ay kaibigan, ang ilan ay naging kamag-aral sa isang asignatura, ang ilan ay noon mo lamang nakita, ngunit sa iyong pakiramdam, lahat sila ay mapagkakatiwalaan -- ikaw ay ligtas. Sa mundong malayo at malaya, aking natagpuan ang kakaibang saya. Natutunan ko kung paano maging tunay na kaibigan. Doon ko rin napagtanto na ang dami ko palang kayang ibigay para sa larangang aking nais pagkadalubhasaan. Sa mismong lugar na iyon, nag-uumapaw ang iba't ibang pagkakataon at oportunidad. At kung tutuusin, doon ko nga marahil nabuo ng paunti-unti ang aking iilang pangarap.
Sa mundong kasalukuyan kong ginagalawan, heto ang mundong aking kinabibilangan. Akin itong panandaliang iniwan para maging mas mabuting nilalang. Kung tutuusin, wala namang masama dito. Sadyang hindi ko lang kaayang makipagsabayan. Lumilipas ang mga pagkakataon ngunit aking dama na ako'y napag-iiwanan. Hindi mabitawan ang nakaraang puno ng kamusmusan para sa kasalukang makatotohanan. Paulit-ulit.. paulit-ulit na paghahanap sa sarili. Malulugmok, iaahon ang sarili, hahanap ng inspirasyon, babalik sa lugar na malayo at malaya, gaganahan, matatanggap, ipagpapatuloy, at uulitin na namang muli.
Tapos na sa pagtanggap. Batid ng aking diwa na ako ay nasa proseso na ng tuloy-tuloy na pagpapahalaga. Mangungulilang muli, iyan ay tiyak. Ngunit magpaulit-ulit man ang mga hakbang, alam kong ako ay natututo at patuloy bumabangon -- kahit pa sa mga paghihirap na ako mismo ang nagbibigay sa aking sarili. Hinihintay ko na akin mismong madiskubre ang mundong malayo at malaya sa mundong nakakasakal. Malapit na, hintay lang..