Sunday, March 13, 2011

Musika at Kasaysayan

Para sa isang matagumpay na karanasan! 

Isang buwan na ang nakalilipas mula ng aming lisanin ang entabladong unti-unting nagpakilala sa aming tunay na kabuluhan sa larangang aming nais pagkadalubhasaan. Isang buwan na rin ang nakalilipas ng huli kong maramdaman ang sayang walang humpay at ang pangambang walang saysay.

Dugo at pawis, ika nga ng karamihan, marahil iyon ang naging puhunan ng buong grupo. Ilang buwan ang ginugol upang maensayo ang lahat ng pyesang kailangan. Ilang linggo ang tiniis na ang kanya-kanyang bahay ay 'di magawang masilayan. Ilang araw na tila ba'y wala na ang salitang akademiks sa usapan. Ilang gabi na kami at musika lang ang nagkakaintindihan. Lahat iyon ay nagawang tiisin ng lahat. Batid ng aking kamalayan sapagkat akin itong ramdam. Nagkaroon man ng hindi pagkakaintindihan sa loob ng aming pangalawang tahanan sa SU,  nauwi pa rin sa pwede na ang lahat. Kung minsan nga'y may mga nagrereklamo pero nasunod pa rin. Marahil ay may mga salita ring nabitawan na hindi katanggap-tanggap. Pero kung tutuusin, balewala lamang ang lahat ng iyon. Dahil sa bawat sandaling lumalabas sa tambayan, makita mo lang na naghihintayan kahit na inip na inip at magkakaiba naman ng direksyon na tatahakin, mawawala ang pagod mo. Dagdag mo pa ang mga sandaling sila ang kasama mo sa mga oras na tinatawag ka na ng Boston para mag-aral, ng Hopscotch para magrelax, at ng Bugel's, Siomai FoodHouse, at ng Carajo's para kumain. Ngayon sabihin mo, sino ba naman ang hindi madidikit ng sobra sa mga taong iyon kung sa araw-araw na lang na gigising ka, mensahe nila ang una mong matatanggap, at bago ka matulog pagmumuka at salita nila ang tanging kukumpleto ng araw mo?

Nagdaan ang produksiyon, naramdaman namin sa loob ng apat na araw ang bunga ng sama-samang paghihirap. Sa mga araw na iyon, hindi mo na maiisip kung ano nag mga sinasakripisyo mo. Bagkus, mapapaisip ka nalang kung ano pa ang mga kaya mong ibigay. May mga nambalewala at nang-isnab man sa kanilang nasaksihan pero naririyan naman ang mga humanga, pumuri, naengganyo, nasiyahan, at nagpasalamat. Ang kasaysayang iyon ay hindi lamang mananatiling kasaysayan ng grupo. Subalit higit sa lahat, mas magandang marinig na ito ay kasaysayang nasaksihan ng mga taong naging bahagi. Ang sarap sa pakiramdam na mabasa ang mga feedback ng tao sa fb, marinig ang mga komentaryo paglabas ng tanghalan, at lalo na ang makita ang iyong magulang na nakaupo sa harapan mo, nakikinig at napapangisi sa bawat notang iyong binibitawan. Ilang buwang pinuhunan ang dedikasyon at pagmamahal, katumbas ay apat na araw ng kakaibang karanasan at kaligayan. 

Salamat Harmonya sa musikang inyong buong-pusong ibinahagi sa akin. Mahal na mahal ko kayo!